truly pinoy
Larong Pinoy: Patintero

Summer na, tara na at magpatintero!
written by: Gerald P. Grana

Isa sa larong pinoy na pinoy ang patintero. Naaalala ko nung mga grade school pa ako, usong uso sa mga bata sa eskwelahan ko sa Claret pati na sa subdivision naming ang patintero. Di pa uso noon ang playstation o X-box. Actually, mga high school na ako na nung nauso ang Nintendo family computer, kaya noong mga panahong iyon, pag hapon at walang magandang cartoons sa TV, pupunta ako mga bahay ng mga kaibigan ko at makikipag kwentuhan, at pag medyo mga apat at pataas na ang dami namin, mag-aayang maglaro sa labas. Kundi taguan o agawan base, eh patintero ang nilalaro namin.

Di ko maalala kung sin o nagsabi sa akin kung papaano maglaro ng patintero, basta naaalala ko, pag matikas ka at mabilis gumalaw, madadalian ka sa patintero. Sa Hiligaynon (Ilonggo) and Sugbuhanon (Cebuano) ang tawag sa patintero ay "Tubiganay".

Ito na ata ang isa sa pinakamagandang laro na puwede sa kalye, lalo na sa siyadad kung saan may mga linya na sa daan. Sa probinsiya kasi ay kailangan pang gumamit ng patpat para sulatan ang lupa o markahan ng tubig ang paglalaruan. Problema doon sa probinsiya ay kailangang sulat ka nang sulat sa lupa. O kaya'y di kalaunan naman ay magpuputik na sa laruan at magiging madulas na masyado. Pag umulan pa eh, hindi ka na puwedeng maglaro.

Ang paglaro nang patintero ay: dalawang grupo; maglalaban sa isang kalye; ang kailangan, walang pwedeng makatawid sa ‘yo at wala din dapat makabalik.

Makatapos mag grupo nang dalawa at malaman kung sino ang taya ay kakalat ang mga taya sa mga linya. Isang tao kada linya at may isang nasa gitnang linyang pahaba na tinatawag na patotot. Ang patotot ang naatasan na kulungin ang unang pasok ng grupo at tayain ang sinumang magkamaling bumanda at magtagal sa gitnang linya.

Ang kailangang magawa nang manunugod, para makapuntos, ay may isa sa kanilang makalusot sa lahat ng manghaharang at makabalik sa pinagmulan at sumigaw ng "finish" Pag nagawa ito ay hindi magpapalit ng taya at simula uli ang laban.

Pag may isang nataya sa mga manunugod ay palit ng pwesto. Pero, para makataya ay dapat na nakatayo sa linya ang mananaya. Pag hindi nakatapak o nakapuwesto ang katawan ng mananaya sa ibabaw ng linya ay walang bisa ang pagtaya.

Pag may manunugod na lumampas sa linya sa gilid o "mag-out" ay parang nataya na rin siya.

Puro magagandang ala-ala ang dulot tuwing nababangit sa akin ang patintero. Isa itong larong pinoy na kailanman di mapapantayan ang dulot na saya, pagsasama at pagkakaibigan sa mga kalaro mo na di mo makukuha kailanman sa playstation o kahit anong laruan sa mercado ngayon.

 

Do you want to share your experiences / write articles for the 'Truly Pinoy or Pinoy Products' section of the site and share it to the TFC / OFW community worldwide through ABS-CBNGlobal.com?

Sumulat at sabihin sa amin kung ano ang karaniwang o nakasanayan nang gawin, basahin, libangan, tambayan, kainin ng mga Pinoy sa inyong parte ng mundo.

Ngayon, maari ka nang magkwento at ipaalam ito sa ibang Filipino saan man sa mundo.

Have the chance to share what you write about to Filipinos all over the world.

Lahat tayo ay may kwento, ano ang sayo? Panahon mo na para sabihin ito.

Just email your letters and photos (the more the better) to customerservice@abs-cbni.com. 

We will feature many articles of TFC subscribers each month so send in your letters and photos now!
back