Mahilig talaga tayong mga Pinoy na tumawad, tawad sa biniling gulay sa palengke, tawad sa bibiling relo at bracelet sa Cubao, at syempre, tawad sa bibiling damit sa ukay-ukay.
Ang ukay-ukay ay nagmula dahil sa pagkahilig nating tumawad, kaya naman nabuhay ang mga "bargain stores" na tulad ng ukay-ukay sa ating bansa. Sino ba naman ang ayaw makamura sa biniling damit, lalo na pag mukhang bago o dili kaya'y imported (o mukhang imported)? Sa kaunting halaga, may mga magagandang damit at pantalon ka na. Sa hirap ng panahon ngayon, hindi na masama ang makatipid kahit na kaunting halaga sa bagay tulad ng damit.
Nabuo ang salitang 'ukay-ukay' dahil sa isang simpleng dahilan, kailangan mong halukayin o hukayin ang mga damit na gusto mula sa isang bunton o ga-bundok na dami ng damit. Ito man ay t-shirt, blouse, long sleeve, collared shirt, sando, baby tees, pantalon, skirts at iba pa. At dahil hindi kasing sosyal ng damit (di tulad ng mga nabibili natin sa mga mall), pag ukay ukay, dapat alam mo nang di na masyado maayos pag present ng damit, walang tag o presyo, walang plastic, kadalasan nga ni hindi naka-hanger ang mga ito. Kasi naman, di mo naman ito kadalasang isusuot agad, kadalasang lalabahan muna ito bago isuot. (di tulad ng mga damit na ready-to-wear na nabibili natin sa mga department stores).
Ang mga ukay-ukay ay siguradong mananatili sa ating bansa. Ang mga binebenta dito ay mura at pang-masa. Kung maka jackpot ka pa ng mga may tatak imported at mukhang bago pa, pwede pa na pang regalo.
Maabilidad talaga tayong mga Pinoy, nakahanap na naman tayo ng isang paraan para makatipid (sa damit) sa ating pang araw araw na buhay, salamat sa ukay ukay.
article written by Gerald P. Grana