entertainment
The Buzz pays tribute to Francis Magalona

Isang tribute ang naging episode ng The Buzz kahapon (Marso 8) para sa yumaong OPM icon na si Francis Magalona. Habang nasa studio ang dalawang host na sina Boy Abunda at Ruffa Gutierrez, nag-ulat naman mula sa Christ The King, Green Meadows, Quezon City si Kris Aquino kung saan nakaburol ang mga labi ni Francis.

Highlight sa The Buzz kahapon ang interviews sa mga showbiz friends ni Francis upang balikan ang kanilang masasayang alaala nang nabubuhay pa ang singer-host. Kabilang na roon ang kanyang Eat Bulaga family kung saan almost anim na taon ding naging host si Francis. Nawala si Francis sa nasabing show nang ma-diagnose siya ng leukemia. Naging emosyunal din ang mga host ng nasabing show na sina Vic Sotto, Joey de Leon, Pia Guanio at Allan K sa pagkwe-kwento. “Ang tawag namin d’yan, si Wild Boy. Sa akin little boy ko din ‘yang si Kiko hanggang sa mawala siya. Playful ‘yan, masaya,” pagbabalik-tanaw ni Joey. “Ang sense of humor niyan ibang klase. Medyo may pagka-wild nga lang. He’ll always be si Baby Face.” Dagdag pa ni Michael V. isang tunay na kaibigan at genuine ang pagiging makabayan ni Kiko. “Iilan lang naman ‘yung totoong kaibigan ko, eh and Francis was the first and the best friend that I’ve had.”

Ipinakita rin sa The Buzz kung paano naging malaking instrumento ang modern technology upang maihatid ni Francis ang tungkol sa update ng kalagayan na nagpakita ng optimismo at katapangan sa kabila ng kanyang laban sa terminal illness. Sa pamamagitan ng kanyang Multiply account, naihatid ni Francis sa kanyang mga tagahanga ang pakikipaglaban niya sa leukemia.

Marami rin ang nagulat sa ipinakitang katapangan ng maybahay ni Francis na si Pia Arroyo-Magalona na hindi nag-break down nang kapanayamin ni Kris. Sinabi niya na kailangan niyang ipakita ang pagiging matatag para na rin sa kanilang mga anak ni Francis. Kahit nang ikuwento niya ang laban ng kanyang asawa mula nang sabihan sila ng mga doctor tungkol sa tunay na kalagayan ng singer hanggang sa pagsasailalim nito sa chemotherapy, hindi natinag si Pia na madala siya ng kanyang emosyon. Binanggit din niya na malaking tulong na magagandang alaala lamang ang kanyang naiisip sa tuwing naaalala ang kanyang asawa. “Nasabi niya talaga sa akin, ‘You’re the best mom. Thank you for bringing up my children the way you did,’” kwento ni Pia. “Nakita siguro niya ‘yung disiplina ng mga bata. Gusto lang n’ya na ganon.”

Sinabi ni Pia na sa dulo, ang pagkawala ni Francis ay hindi nangangahulugang mawawala na siya sa isipan ng lahat dahil may mga mahahalagang aral siyang iniwan na sumasalamin sa kanyang musika. “I always believe in Francis M’s message to everyone and all for the country. It’s for love of his people and for his fellow men. If you listen talaga to his songs, and read the lyrics, it says there that you have to respect yourself. You have to be strong. (Be mindful of) work ethics so that you will have respect for yourself. You have to give your best,” pagtatapos ni Pia.

- by Bernie Franco

back