Matapos ang mga debate at spekulasyon kung sino talaga ang gaganap bilang ang lalaking mamahalin ni Betty la Fea, noong nakaraang linggo ay opisyal nang ina-announce si John Lloyd Cruz bilang si Armando Solis.
Ngayong kilala na ang magiging boss at love interest ni Betty, hindi na bago sa mga tao kung sino si John Lloyd bilang isang aktor. Naipakita ni John Lloyd ang kanyang angking galing at talento sa pag-arte nang magsimula ito mahigit na isang dekada na ang nakaraan. Lumabas sa iba't ibang commercials, TV appearances at segments at nagbida na sa mga pelikula at teleserye.
Nagkamit na din si John Lloyd ng iba't ibang mga awards mula sa respetadong mga award-giving bodies tulad ng FAMAS Awards, Enpress Golden Screen Awards at PMPC Star Awards for Movies. Dahil sa natural na talento, nakakabihag na charm at warm personality, nabansagan si John Lloyd bilang Box Office King ng Pilipinas.
At ngayon, magbabalik tambal sila ng isa sa pinaka-in demand na mga aktres sa industriya, si Bea Alonzo bilang si Betty. Napatunayan na ng isa sa mga pinaka-maiinit na love team ngayon ang kanilang magandang chemistry at di mapapantayang fan base kaya naman saktong-sakto sila bilang mga bagong aabangan sa "I ♥ Betty la Fea."
Kung si Betty ay mabait, masipag, masiyahin at medyo physically challenged, si Armando naman ay ang kabaligtaran niya. Lumaking mayaman at hindi nahirapan pagdating sa financial matters, masasabing lahat ay na kay Armando. Gwapo, matalino, at edukado, mukhang perfect talaga ang big boss ng advertising agency na Eco Moda Manila. Magaling manamit, swabeng magsalita at madiskarte sa buhay, may pagkayabang at medyo chick boy, si Armando ang dream boy ng bawat babae.
Sa kanilang pagkikita at paghaharap, magkasundo kaya ang dalawa sa trabaho? Pagdating naman sa pag-ibig, totoo kaya ang kasabihang "opposites attract?"
Sa direksyon ni Erick Salud at Don Cuaresma, abangan ang iba pang updates sa nalalapit na teleseryeng kagigiliwan ng lahat, ang "I ♥ Betty la Fea" sa ABS-CBN. Malapit na malapit na sa ABS-CBN Primetime Bida.
Para sa iba pang impormasyon, mag-log in sa www.abs-cbn.com at sa http://ilovebettylafea.multiply.com